Hesperian Health Guides
Ano ang gagawin para sa pagkabaog
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 14: Pagkabaog > Ano ang gagawin para sa pagkabaog
Kung sa tingin mo o ng kapartner mo ay may problema kayo sa pertilidad:
- Sikaping magtalik sa panahong mabunga o fertile ka. Bagama’t gumagawa ang lalaki ng milyun-milyong semilya arawaraw, naglalabas lamang ng isang itlog bawat buwan ang isang malusog na babae. Ito ang kanyang fertile o mabungang panahon— ang tanging pagkakataon bawat buwan na puwede siyang mabuntis. Para sa karamihan ng kababaihan, nagsisimula ang mabungang panahon mga 10 araw pagkatapos ng unang araw ng pagregla, at tumatagal ng mga 6 na araw. May ilang palatandaan ang katawan na nagsasabi sa iyong mabunga ka. Ang pagbabago ng mucus sa iyong puwerta ang pinakamadaling i-check.
Huwag sanang mabahala kung hindi ka mabuntis kaaagad. Maraming magpartner ang nakakabuntis sa loob ng isang taon kung patuloy silang nagtatalik habang mabunga ang babae.
Kapag nakikipagtalik, ang pinakamahusay na posisyon para mailapit ang semilya sa bukana ng matris ay:
- mahiga na nasa ibabaw ang lalaki.
- mahiga na nakapatagilid.
Pagkatapos makipagtalik, mahiga na nakalapat ang likod sa loob ng 20 minuto. Makakatulong ito sa semilya na makalangoy papunta sa matris at matagpuan ang itlog.
Makakatulong din ang pag-iwas sa mga ito:
- Huwag gumamit ng langis o cream sa pakikipagtalik. Makakapatay ito sa semilya o makakapigil na makarating sa itlog.
- Huwag mag-douche o maghugas sa loob ng puwerta. Makakabago sa pamamasa ng loob ng puwerta ang ganitong paghuhugas bago o pagkatapos makipagtalik, kaya mas mahirap na mabuhay ang semilya.
- Hindi dapat maligo sa mainit na tubig ang lalaki bago makipagtalik. Pumapatay ng semilya ang init sa bayag
Dagdag na impormasyon
Pananatiling malusog- Gamutin ang anumang problemang pangkalusugan. Dapat magpaiksamen ka at ang kapartner mo para sa mga INP. Kung may INP ang kahit isa sa inyo, pareho dapat kayong gamutin. Tiyaking makumpleto at maubos ang lahat ng medisinang ibibigay.
- Isabuhay ang magagandang ugaling pangkalusugan:
- Kumain ng masustansyang pagkain. Kung hindi ka nireregla at masyado kang mapayat o mataba, sikaping magdagdag o magbawas ng timbang.
- Iwasan ang paninigarilyo o pagngata ng tabako, paggamit ng droga, o pag-inom ng alkohol.
- Iwasan ang caffeine sa mga inumin tulad ng kape, itim na tsaa at cola na softdrinks.
- Tiyaking may sapat na pahinga at ehersisyo.
- Sikaping magpatingin sa isang health worker kung hindi ka pa buntis matapos ang isang taon. Maraming simpleng test, na hindi naman mahal, na maaaring makapagsabi kung ano ang problema. Halimbawa, puwedeng silipin sa microscope ang semilya ng partner mo para makita kung malusog. Puwedeng mag-pelvic exam para masuri ang iyong puwerta, matris at tubo para sa impeksyon o anumang tumutubo. O puwede kang turuan na kumuha ng temperatura mo tuwing umaga para malaman kung naglalabas ng itlog ang obaryo. Mahalagang tandaan na tutukuyin lang ng mga test kung ano ang problema—hindi nito lulutasin ang problema. Madalas, hindi nakakalunas sa pagkabaog kahit ang pinakamagastos na medisina at operasyon.