Hesperian Health Guides
Kabanata 14: Pagkabaog (kapag hindi mo kayang magkaanak)
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 14: Pagkabaog
Kapag hindi magkaanak ang magpartner, maaaring dahil may problema sa pertilidad ang lalaki, ang babae, o silang dalawa. Problema itong hindi halos pinag-uusapan.
Inaakala ng karamihan ng mga babae’t lalaki na magkakaroon sila ng anak. Ang katotohanan, mga 1 sa bawat 10 magpartner ang nahihirapang mabuntis. Hindi gusto ng ilang babae at lalaki ang magkaanak. Pero para sa mga magpartner na umaasa na magkaanak, nakapaghahatid ng kalungkutan, galit at pagkabigo ang pagkabaog.
Babae ang madalas nasisisi kapag hindi magkaanak ang magpartner. Pero sa mga kalahati ng kaso, lalaki ang may problema. Minsan ay hindi naniniwala ang lalaki na siya ang may problema, o na baka silang dalawa ang may problema. Maaaring umayaw siya na magpasuri, o kaya’y magalit. Madalas bunga ito ng kahihiyang dulot ng pagkabaog sa mga komunidad kung saan inaasahan ang lalaki na magkaanak bilang palatandaan ng pagkalalaki.
Maraming dahilan ang pagkabaog. Ang iba’y nalulunasan at ang iba nama’y hindi. Tutulong ang kabanatang ito na maintindihan ang pagkabaog at kung ano ang puwedeng magawa rito.