Hesperian Health Guides

Kusang pagkalaglag ng binubuntis (nakunan)

Sa kabanatang ito:

Para sa maraming magpartner, hindi pagbubuntis ang problema, kundi pagtutuloy-tuloy ng pagbubuntis. Pangkaraniwan ang kusang pagkalaglag ng 1 o 2 pagbubuntis. Maaaring paraan ito ng katawan para tapusin ang mga pagbubuntis na sobrang hina para mabuhay.

Pero kung nakunan ka na ng 3 beses o higit pa, maaaring may ibang problema tulad ng:

  • hindi malusog na semilya o itlog.
  • problema sa hugis ng matris.
  • may tumutubo (fibroids) sa loob ng matris.
  • maling balanse ng hormones sa iyong katawan.
  • impeksyon sa matris o puwerta.
  • pagkakasakit, tulad ng malaria.
  • nakalalasong mga kemikal sa iyong tubig, sa iyong komunidad, o sa pinagtatrabahuhan.

Madalas mangyari ang kusang pagkalaglag kahit anong pag-iingat ang gawin mo. Huwag sisihin ang sarili.

Mga palatandaan na nakukunan:
  • kaunting dugo sa iyong puwerta na kulay pula, rosas o tsokolate.
  • pananakit o pamumulikat, gaano man kahina.
Dagdag na impormasyon
pagbubuntis
Ano ang gagawin kung magsimula ang palatandaan:

Kapag nagsimula ka nang makunan, madalas ay wala na halos magawa para patigilin ito. Kung dinudugo ka nang kaunti na walang pananakit:

  • humiga at magpahinga ng 2 o 3 araw
  • huwag makipagtalik.

Kung magtuluy-tuloy ang pagdurugo o kaya’y lumakas, o kung lampas sa 4 na buwan ka nang buntis, pumunta sa ospital at sabihan sila na buntis ka.

MAHALAGA! Kung nasa unang 3 buwan ng pagbubuntis at may matinding pananakit, parang hihimatayin at may pagdugo, maaaring may pagbubuntis sa tubo (ectopic pregnancy). Pumunta kaagad sa ospital. Tiyaking sabihan sila na buntis ka.
lalaking nakatayo at nakapatong ang kamay sa balikat ng nakaupong babae; pareho silang mukhang malungkot
Pangkaraniwan ang pagkawala ng binubuntis. Kung mangyari ito sa iyo, hindi nangangahulugan na hindi ka na magkakaroon ng malusog na pagbubuntis sa susunod.
Bago subukang magbuntis muli
  • Sundin ang giya tungkol sa paglunas sa mga problemang pangkalusugan at pagsabuhay ng mga magandang ugaling pangkalusugan. Mahalaga talaga ang pag-iwas sa caffeine, paghinto sa paninigarilyo o pagngata ng tabako, pag-inom ng alkohol at paggamit ng droga. Nakakatulong ang lahat ng ito na makunan ang babae.
  • Kung nakukunan ka palagi sa ikatlong buwan ng pagbubuntis, puwedeng dahil sa mahina ang bukana ng iyong matris. Nalulunasan ito minsan sa paglalagay ng doktor ng tali sa palibot ng cervix para manatili itong sarado. Tiyaking may karanasan ang doktor sa ganitong panlunas. Kapag panahon nang magsilang, tinatanggal ang tali.
Kung mabuntis ka nga:
  • sikaping huwag magbuhat ng mabibigat na bagay.
  • sikaping huwag makipagtalik sa unang 6 hanggang 8 linggo ng iyong pagbubuntis.
  • magpahinga tuwing kakayanin.
Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017