Hesperian Health Guides

Paano gamutin ang TB

Sa kabanatang ito:

Maaaring mabawasan ng mga gamot sa TB ang bisa ng mga hormonal na paraan ng kontrasepsyon (tulad ng pildoras). Dapat gumamit ng ibang paraan ng kontrasepsyon ang mga babaeng ginagamot para sa TB.

Halos kaya palaging mapagaling ang may TB kung unang pagkakasakit ito at gagamit ng tamang mga gamot sa tamang dami sa buong haba ng gamutan.

May 2 bahagi ang gamutan, at palaging kasama ang pag-inom ng higit sa 1 gamot. Sa unang bahagi, iinom ng 4 na gamot sa 2 buwan, tapos ay susuriin ang plema. Kung negatibo, sisimulan ang ikalawang bahagi. Iinom ng 2 gamot sa dagdag na 4 na buwan (kaya 6 buwan ang kabuuang gamutan). Kapag natapos na ang gamutan, kailangan suriin muli ang plema para matiyak na magaling na nga siya.

Kasama sa mga gamot sa TB ang isoniazid, rifampicin, pyrazinamide, ethambutol at streptomycin. Tingnan ang mga “Berdeng pahina” para sa dagdag na impormasyon sa mga gamot na ito. Magkakaiba ang gamutan ng TB sa bawat bansa. Dapat palaging sundin ng isang health worker ang rekomendasyon ng programa sa TB sa sariling bansa.

Kung positibo pa rin ang plema ng babae pagkatapos ng 2 buwan na gamutan, dapat siyang masuri kung may resistensya sa mga gamot ang mikrobyo ng TB niya.



Matapos ang unang 2 buwan ng gamutan, minsan ay posibleng maggamot ng 3 beses bawat linggo, sa halip na araw-araw, pero huwag kung may HIV ka o may resistensya sa mga gamot sa TB sa inyong lugar. Makipagusap sa isang health worker para malaman kung puwede ka sa ganitong klase ng paglunas.

Dapat sundin ang mga ito ng sinumang ginagamot para sa TB:

  • Inumin ang lahat ng gamot sa rekomendadong haba ng buwan. Kung hihinto ka bago ang takdang haba, mahahawa mo ang iba at babalik ang sakit mo.
  • Aralin kung anong side effects ang normal at ano ang seryoso para sa mga gamot mo. Kung may seryosong side effects, itigil mo ang gamot at makipagkita agad sa isang health worker.
  • Magpahinga nang husto at kumain nang pinakamahusay na makakaya. Kung maaari, huminto muna sa trabaho hanggang bumiti ang pakiramdam mo.
babaeng nakatakip ang kamay sa bibig habang umuubo
  • Iwasan ang pagkalat ng mikrobyo sa iba. Kung kaya, humiwalay sa pagtulog mula sa mga walang sakit na TB sa loob ng 1 buwan mula unang maggamot. Takpan ang iyong bibig kapag umuubo, at dumura sa piraso ng papel. Itapon sa kubeta ang papel o sunugin ito.
  • Kung manganak ka habang ginagamot, dapat i-test ang iyong plema. Kung negatibo ito, dapat bigyan ang sanggol ng bakunang BCG (Bacille Calmette-Guerin), pero walang mga gamot. Kung positibo, kailangan ng mga gamot ng sanggol mo. Hindi ka kailangang ihiwalay sa sanggol o tumigil sa pagpapasuso.
  • Kung maari, pumunta sa isang bihasa na health worker para itugma ang gamot sa TB at HIV kung meron ka pareho nito. Kailangang itugma dahil mas maraming gamot na iniinom, mas may posibilidad na magkaroon ng side effects.
  • Huminto sa paninigarilyo.

TB na may resistensya sa mga gamot

Kung mahawa sa taong may drug-resistant TB, may resistensya rin sa gamot ang makukuhang sakit.

Dapat palaging tanungin ng mga health worker kung ginamot na dati para sa TB ang maysakit. Kung oo, mas malamang na may TB siya na may resistensya sa mga gamot.

Kung hindi gagamit ang maysakit ng sapat na tamang gamot, o hihinto bago matapos ang takdang haba ng gamutan, hindi mapapatay ang lahat ng mikrobyo ng TB. Matitira ang pinakamatibay na mikrobyo at ito ang dadami, kaya hindi na sila tatablan ng gamot na unang ginamit. Resistensya ang tawag dito.

Ang mga mikrobyong may resistensya kapwa sa isoniazid at rifampicin ay makakapagdulot ng TB na may resistensya sa ilang gamot (multi drug-resistant TB), na napakahirap lunasan. Ang gamutan dito ay tumatagal nang 8-20 buwan, mas mababa ang tsansang gumaling, at mas mahal kaysa sa gamutan sa ordinaryong TB. Ang taong may drug-resistant TB ay makakapasa ng sakit sa iba sa loob ng ilang buwan matapos magsimula ng gamutan.

Kung may positibong plema matapos ang 2 buwan na gamutan, maaaring may resistensya ang mikrobyo ng TB sa mga medisinang ginagamit. Dapat magpatingin sa isang health worker na bihasa sa gamutan ng TB para makakuha ng ibang medisinang gagamitin.

Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017