Hesperian Health Guides

Mga babaeng may dagdag na pangangailangan

Sa kabanatang ito:

Nakunan

babaeng malungkot na nakatingin sa kanyang puwerta na may malakas na pagdurugo

Kapag kusang natapos ang pagbubuntis bago ganap na mabuo ang sanggol, sinasabing nakunan ang babae. Madalas ay tugon ito ng katawan kapag may malalang problema ang dinadala na pipigil sa tamang paglaki nito. Karaniwan ay nakukunan ang babae sa unang 3 buwan ng pagbubuntis. Pagkatapos makunan, puwedeng mabuntis siya muli, maging normal ang pagbubuntis at magkaroon ng malusog na sanggol.

Pananakit at pagdurugo ang palatandaan ng nakukunan. (Para sa dagdag na impormasyon sa ibang posibleng mga sanhi, tingnan ang "Pagpili ng pinakamahusay na paraan".) Madalas nagsisimula ang pagdurugo at pananakit na parang normal na pagregla, pagkatapos ay dumadami at tumitindi. Maaaring may kasamang namumuong dugo o himaymay na lalabas.

Kung tumagal ang pagdurugo at pananakit nang higit sa ilang araw, kung higit na mas malakas ang pagdurugo kaysa sa normal na buwanang regla, o kung lagnatin ang babae o labasan ng mabahong likido mula sa puwerta, posibleng may piraso ng dinadala niya na naiwan sa matris. Ang tawag dito ay nakunan nang hindi kumpleto o incomplete miscarriage. Maaari itong magdulot ng malubhang pagkawala ng dugo, mapanganib na impeksyon, o maging kamatayan. Kailangang pumunta ang babae sa isang health center o ospital para matanggalan ng laman ang kanyang matris ng isang sanay na health worker.

Kung may malakas at tuluy-tuloy na pananakit ang babae sa ibabang bahagi ng kanyang tiyan, maaaring sa loob ng tubo kumapit ang pagbubuntis (ectopic). Napakadelikado nito.

babaeng nakaupo nang hiwalay sa dalawang babaeng may kasamang mga bata
Para sa babaeng gusto ng anak, puwedeng malungkot siya nang matindi kapag nakunan.

Pagkatapos makunan, kailangang magpahinga ang babae at umiwas sa mabigat na trabaho o pagbubuhat sa loob ng 2 linggo. Hindi siya dapat magpailig ng tubig o maghugas sa loob ng puwerta. Dapat din niyang iwasan ang pakikipagseks hanggang sa ganap na huminto ang pagdurugo dahil bukas ang kanyang matris at puwede siyang maimpeksyon.

Maraming babae ang nalulungkot nang matindi matapos makunan. Hindi naman ganito ang iba. Normal ang lahat na ito. Posibleng makatulong sa ilang babae kung makikipapag-usap sila sa ibang babae na nawalan na rin ng kanilang pinagbubuntis.

Pagtulong sa mga babaeng nahihirapang alagaan ang sarili at kanilang mga sanggol

buntis na babaeng mukhang malungkot at nakaupong mag-isa
Huwag mo nang hintaying lumapit sa iyo ang mga nangangailangan. Puntahan mo sila.

May ilang mga babae na mas malamang mahirapan sa panganganak, magkaproblema pagkatapos, at magkaroon ng hindi malusog na sanggol. Ilan sa kanila ang mga ina na nag-iisa, maralita, masyadong bata, mahina ang pag-iisip, o mayroon nang malnourished o sakiting anak. Malamang mas mahirap ang pag-alaga nila sa sarili at sa bagong sanggol.

Kung may magkakaroon ng ispesyal na interes sa kanila at tutulong bigyan ng kailangang pagkain, pag-alaga at pakikisama, malaki ang maidudulot na kabutihan sa nanay at sanggol.

Kung mamatay ang sanggol

Kailangan ng babae ng dagdag na pagkalinga at suporta kapag namatay ang sanggol niya.

Karamihan ng babae ay may malusog na pagbubuntis at nagsisilang ng malulusog na sanggol. Pero minsan, kahit ano pa ang gawin, namamatay ang sanggol.

Palaging mabigat na panahon ito para sa nanay. Nakakadama siya ng malaking lungkot at kawalan. Kasabay nito, dumaan siya sa pagbubuntis at panganganak, at kailangan niyang magpahinga at bumawi ng lakas, tulad din ng nanay na may bagong sanggol.

Maaaring makatulong ang sumusunod na payo:

  • Malamang ay sasakit ang suso niya, lalo sa bandang ikatlong araw pagkapanganak, kapag nariyan na ang gatas. Makakabawas ng sakit ang mga damit na nababad sa malamig at malinis na tubig.


babaeng inaalo ang isa pang babae habang magkasama silang nakaupo

Mga dapat gawin:

  • Huwag palabasin ang unang gatas na dilaw (colostrum) o ang regular na gatas. Gagawa ng dagdag na gatas ang katawan kapag pinalabas ang mga ito.
  • Magbantay ng mga palatandaan ng impeksyon sa suso at gamutin kung kailangan.
  • Maghintay ng di bababa sa 3 buwan bago subukang magbuntis muli. Kailangan ng katawan ng panahon para maghilom.
  • Gumamit ng paraan ng pagpaplano ng pamilya sa pinakamaagang makakaya. Puwedeng mabuntis siya muli nang masyadong maaga.

Para sa maraming babae, ang nangyari ay tulad ng pagkamatay ng sinumang malapit na tao, at kailangang magdalamhati. Kailangan niya ng ispesyal na pangangalaga, pag-unawa at suporta.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017