Hesperian Health Guides

Pagkilos para sa pagbabago

Sa kabanatang ito:

Sa buong mundo, milyun-milyong babae ang binabagsak ng maiiwasan-sanang kamatayan dahil sa mga problema sa pagbubuntis at panganganak. Marami sa mga kamatayang ito ang nagaganap dahil sobrang tagal naghintay ang babae o pamilya niya bago humanap ng tulong sa panahon ng emerhensya.

Narito ang kuwento ng isang grupo ng kababaihan na kumilos sa komunidad nila para unawain at lunasan ang ilan sa mga problema.

Noong nakaraang tag-ulan, buntis ang kaibigan kong si Ekwefi. Nang panahon na para manganak siya, natiyempuhang nakaluwas ang kanyang asawa. Ilang maalam na babae ang naroroon para tumulong sa kanya. Pero sobrang tagal ang pag-labor at nagsimulang duguin si Ekwefi. Sabi ko, kailangang dalhin na siya sa health center. Pero walang makapagpasya kung ano ang gagawin. Wala ang kanyang asawa na siya raw dapat magpasya. Maya-maya’y natanto naming hindi makakaligtas si Ekwefi at ang kanyang sanggol. Kapwa sila namatay sa harap namin.


Masyado akong nalungkot dahil dito. Kaibigan ko si Ekwefi at hindi namin siya natulungan. Nagsimula akong makipag-usap sa ibang babae sa lugar namin. Kailangang may gawin kami tungkol sa problemang ito. Hindi si Ekwefi ang unang namatay habang nanganganak. Marami ding ibang babae ang namatayan ng sanggol sa panganganak. Sabi ng ibang babae, ganito raw talaga sa aming maliit na baryo, at dapat tanggapin na lang namin. Pero sabi namin, hindi. May magagawa tayo para malutas ang problema.

Nagpasya kaming magpulong para mas matuto tungkol sa problema ng pagkamatay ng mga babae at sanggol sa panganganak. Sa pulong, nagpasya kaming makipag-usap sa mga pamilyang may ganitong problema. Anim na babae sa grupo namin ang pumayag na makipag-usap sa mga pamilyang may namatay na babae dahil sa mahirap na panganganak sa nakaraang dalawang taon, o kaya’y may nanay na bumabawi pa ng lakas mula sa ganitong karanasan.

babaeng nakikipag-usap sa lalaking nakatayo sa may pintuan kasama ang dalawang bata

Marami kaming natutunang mahahalagang bagay. Sang-ayon lahat na pinakamalaking problema ang paghihintay nang sobrang tagal bago magpatawag ng doktor o pumunta sa health center. Minsan ay hindi makahingi ng tulong ang babae kung walang pahintulot ang asawa. Tulad ng kaibigan kong si Ekwefi, maraming beses na wala sa baryo ang asawa habang kailangan ang permiso niya na tumawag ng tulong. Natatakot magbigay ng tulong ang mga kapitbahay dahil ayaw nilang magalit ang asawa o mapahiya ito. Nalaman din namin na maraming lalaki ang hindi nakakaalam sa mga peligrong hinaharap ng babae sa pag-labor.

apat na babaeng nakaupo at nag-uusap sa ilalim ng puno


Nagpasya kaming lakarin ang 7 milya papunta sa health center para kausapin ang komadrona. Sinabi namin sa kanya ang aming natutunan at humingi kami ng tulong kung paano lulutasin ang mga problema. Tuwang-tuwa ang komadrona sa pagtulong sa amin. Kinausap niya ang kapitan at humingi ng pulong sa mga nakatatanda sa baryo. Sa pulong, tinalakay ng komadrona ang mga panganib sa kalusugan ng masyadong matagal na pag-labor. Sinabi din niya ang mga natutunan namin tungkol sa mga babaeng namatay habang nanganganak sa aming lugar. Sumang-ayon ang lahat ng nakatatanda na seryosong problema nga ito para sa buong baryo. Tinanong nila ang komadrona kung paano ito lulutasin. Sinabi ng komadrona na hindi lang ito problema sa aming baryo, kundi problema sa maraming baryo sa Nigeria. Minungkahi niyang pumili ng 12 lalaki at 12 babae para dumalo sa isang 5-araw na pagsasanay tungkol sa reproductive health at pagpaplano ng pamilya. Magiging reproductive health workers ang mga kababaryo naming ito, at sila’y kikilos para magturo at maghikayat sa buong baryo.

dalawang babaeng tumutulong sa buntis na babae para makapasok sa trak


Pagkatapos ng pagsasanay, napagtanto ng mga lalaking sumama dito na kailangang nilang aktibong lumahok sa paglutas ng malubhang problemang ito. Nagpasya silang kumayod para turuan ang ibang lalaki sa baryo tungkol sa mga panganib sa paglabor at kung paano tulungan ang mga babaeng nagle-labor. Nagpasya din silang bumuo ng komite sa transportasyon para madala ang mga babae sa health center kung kinakailangan.

Talagang nagtrabaho kaming lahat para malutas ang problemang ito sa aming baryo. Sa simula, kay dami ng nagsasabing sadyang marami ang namamatay sa panganganak at wala na kaming magagawa dito. Pero hindi kami nanghina. Sa pakikipagtulungan sa ibang babae, sa komadrona, sa nakatatanda, at sa kalalakihan sa aming komunidad, nakapagbuo kami ng solusyon na angkop sa aming baryo. At hindi dagdag na pera o teknolohiya ang naging sagot sa aming problema. Dagdag na panahon at pagsisikap naming lahat ang naging sagot. Lahat kami sa baryo ng Lado ay humihikayat sa inyong magsama-sama ng pagkilos para mapahusay ang buhay at kalusugan sa inyong komunidad.

Para matuto pa tungkol sa pag-uusisa at paglutas ng mga problema sa kalusugan, basahin ang kabanata tungkol sa “Paglutas ng mga Problema sa Kalusugan”.

Paano paramihin ang naliligtas na kababaihan
lalaking nagsasalita
Tutulungan ko ang asawa kong magkaroon ng ligtas at malusog na pagbubuntis at panganganak.

Maiiwasan ang karamihan ng pagkamatay at pinsala mula sa pagbubuntis at panganganak sa pamamagitan ng mas masustansyang pagkain, pag-aagwat ng panganganak (sa pagpaplano ng pamilya), kakayahang sumailalim sa ligtas na pagpapalaglag, mahusay na pangangalaga sa buntis at nanganganak, maayos na transportasyon, at mahusay na serbisyo sa pagsasalin ng dugo. Eto ang ilang makakatulong:

  • alamin ang mga palatandaan ng panganib sa pagbubuntis, panganganak at pagkatapos manganak.
  • magplano kung paano makakuha ng tulong bago pa kailanganin.
  • sikaping maorganisa ang inyong komunidad para nakahanda na kaagad ang transportasyon, pera at dugo.
  • makipagtulungan sa lokal na pinuno para magtayo ng maliit na bahay na malapit na ospital kung saan puwede maghintay ng panganganak ang mga babaeng mula sa liblib na lugar.


Paano makakatulong magligtas ng buhay ang mga health worker:

  • Mag-alok ng serbisyo sa pagpaplano ng pamilya para makaiwas sa di-ligtas na pagpapalaglag at sa sobrang dikit na panganganak.
  • Mag-alok ng lunas at pag-iwas sa mga impeksyon na naihahawa sa pagtatalik sa lahat ng babaeng puwede nang magkaanak.
  • Magbigay ng testing at paggamot sa HIV, pati na mga gamot para maiwasan ang pagpasa ng HIV ng nanay sa kanyang dinadala
  • I-alok ang pagbabakuna laban sa tetano sa lahat ng babae.
  • Matuto sa pagkilala ng problema sa buntis, nanganganak at bagong panganak. *I-refer ang mga babaeng may problema sa pagbubuntis (noon o ngayon) sa health center na may sasakyang pang-emerhensya.
  • Turuan ang mga tagapaanak at komadrona kung paano umiwas sa impeksyon at kung paano magbantay at magbigay-lunas sa mga panganib habang buntis o nanganganak.
  • Hikayatin ang lahat ng nanay na magpasuso nang di bababa sa 2 taon
  • Maghanda ng lagayan ng gamot na may kasamang:

~oxytocin, ergometrine, misoprostol at lokal na halamang-gamot na makakapigil o kontrol sa malalang pagdurugo pagkapanganak.
~ antibiotics para gamutin ang impeksyon.
~ gamit para pang-iniksyon sa kalamnan (IM) at pagkabit ng suwero (IV).
~ gamot na panglunas sa eclampsia.
~ guwantes o malinis na plastik na supot.
~ bagong blade.
~ bag o lata para panglabatiba.


Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017