Hesperian Health Guides
Mahirap na panganganak
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 6: Pagbubuntis at panganganak > Mahirap na panganganak
Mga nilalaman
Nauna ang cord sa sanggol
Kung lumabas ang cord bago ang ulo ng sanggol, maiipit ang cord sa paglabas ng ulo. Maaaring mamatay ang sanggol o magkaroon ng pinsala sa utak mula sa kakulangan ng oxygen.
cord sa bukana ng puwerta |
Ano ang gagawin:
Kung mabilis na ang paglabas ng sanggol at malapit na itong maisilang, sabihan ang babae na umire nang ubos lakas habang nakapanimpuho (squat) para mailabas na kaagad ang sanggol.
IHATID!
Kung hindi mabilis ang paglabas ng sanggol, patuwadin ang babae, tulungan siyang huwag munang umire, at dalhin siya sa ospital. Kailangang operahan siya para mailabas ang sanggol.
Kung masyadong malaki ang sanggol, nababara minsan ang balikat matapos lumabas ang ulo. Maaaring mamatay o mapinsala ang sanggol kung magtatagal ito bago makalabas.
Ano ang gagawin:
1. Paluhudin ang babae at pairihin. Madalas ay lulusot lang ang nabarang balikat at makakalabas na ang sanggol. |
2. Kung ayaw umubra ang posisyong nakaluhod, ipuwesto ang babae na nasa gilid ng kama ang puwit. Ipahatak ang mga tuhod niya padikit sa dibdib sa abot ng makakaya, habang may ibang taong didiin nang deretso sa may itaas lamang ng kanyang pubic bone (buto sa taas ng ari). Sabihan ang babae na umiri nang ubos lakas sa susunod na paghilab. | HUWAG tangkaing hatakin palabas ang sanggol. Mapipinsala o mamamatay ito. | ||
3. Kung hindi pa rin lumalabas, kapain mo ang leeg ng sanggol hanggang maabot ng daliri mo ang likod nito. Itulak ang itaas na balikat ng sanggol paharap o palabas kasabay ng pag-iri ng babae sa susunod na paghilab. |
Kambal
Kung lampas sa isa ang dinadala ng babae, pinakamahusay na sa health center o ospital siya manganak. Mas malamang na may isang sanggol na mali ang posisyon, o magkakaroon ng malubhang pagdurugo pagkapanganak. Pero kung kailangan mong tumulong sa isang manganganak ng kambal, narito ang gagawin:
Itali din ang dulong
ito ng cord |
Ano ang gagawin:
- Palabasin ang unang sanggol sa pamamaraang kapareho ng ibang panganganak.
- Kapag pinutol mo ang cord, maingat na itali ang dulo nito na naiwan sa babae. Kung hindi mo ito gagawin, mamamatay ang susunod na sanggol.
- HUWAG magbigay ng anumang iniksyon.
- Ibigay ang unang sanggol sa ina para magsimulang sumuso. Makakatulong itong mapanganak ang susunod na sanggol.
- Dapat lumabas sa loob ng 15-20 minuto ang ikalawang sanggol. Kapain ang posisyon nito. Kung pahalang ang puwesto nito, puwedeng subukan mong maingat na baguhin ang posisyon nito. Kung hindi madali ang paggalaw nito, kailangan nang pumunta sa ospital.
IHATID!
Nakapulupot na cord sa leeg ng sanggol
Minsan ay nakapulupot ang cord sa leeg ng sanggol. Madalas ay puwedeng luwagan lang ito at tanggalin ang pagkakapulupot sa leeg o balikat.
Kung mahigpit ang pagkakapulupot at parang ito ang pumipigil sa sanggol, puwedeng itali mo ang cord sa dalawang lugar at putulin ito. Gumamit ng malinis na pantali at malinis na gunting. Ingatan na hindi masugatan ang nanay o sanggol.
Pagsilang na suhi o una ang puwit
Suhi ang tawag sa panganganak na una ang puwit ng sanggol. (Tingnan ang "Pag-alam sa posisyon ng sanggol" kung paano alamin ang posisyon ng sanggol bago manganak.) Kung unang anak ito, pinakamahusay na sa ospital manganak ang babae. Kung sa bahay siya manganganak, sikaping may makakatulong na bihasa na komadrona (midwife) o doktor.
Sobrang pagdurugo
Normal na magdugo nang kaunti ang babae pagkapanganak. Pero malalang problema ang pagdurugo kung hindi ito hihinto sa loob ng 1 oras matapos manganak, o kung madami ang dugo—lampas sa 2 tasa, o sapat para mababad ang 2 makapal na pansapin sa loob ng 1 oras.
IHATID!
Ano ang gagawin:
- Magpatawag ng makakasaklolo (serbisyong pang-emerhensya).
- Habang naghihintay, gawin ang sumusunod:
Sobrang pagdurugo bago lumabas ang inunan:
- Ipa-panimpuho (squat) ang nanay at ipa-iri palabas ang inunan.
- Paihiin siya
- Ilagay ang sanggol sa suso para magsimulang dumede. Kung ayaw dumede, himas-himasin sa pagitan ng daliri ang mga utong ng nanay, o padedehin ang ibang tao sa kanya. Makakatulong ito sa pagpa-impis ng matris at pagtulak palabas ng inunan
- Kung mayroon, iniksyunan ng 10 units oxytocin sa puwit o binti o painumin ng 800 micrograms ng misoprostol.
Kung nagsimula ang pagdurugo pagkatapos lumabas ang inunan:
Makakatulong ang pagpaikut-ikot ng utong para umimpis ang matris at huminto ang pagdurugo. |
- Paihiin ang nanay
- Panatilihing nakahiga ang nanay at ilapit ang sanggol sa suso. Kung ayaw dumede ng sanggol, subukang paikut-ikutin ang utong. Papaimpisin nito ang matris at patitigilin ang pagdurugo.
- Himasin nang medyo madiin ang tuktok ng matris sa tapat ng pusod hanggang sa tumigas ang matris. Ituloy ang paghimas hanggang sa huminto ang pagdurugo.
- Kung hindi tumigas ang matris sa ilang minuto ng paghimas, o kung patuloy ang pagdurugo, magbigay ng gamot para mapatigil ang pagdurugo.
Gamot para mapatigil ang pagdurugo mula sa matris | ||
---|---|---|
Gamot: | Gaano kadami | Kailan at paano ibibigay |
oxytocin Maaari mong ulitin ang dose na ito pagkalipas ng 20 minuto kung hindi huminto ang pagdurugo. | 10 Units | iniksyon sa gilid ng laman ng binti |
|
||
ergometrine | 0.2mg | iniksyon sa gilid ng laman ng binti |
|
||
ergometrine pills | 0.2mg | ipainom |
Maaari mong ibigay ang ergometrine tuwing 2-4 na oras para sa matinding padurugo, o tuwing 6-12 na oras para sa hindi gaanong matinding pagdurugo, pero ituloy ang pagbibigay ng gamot hanggang sa huminto ang pagdurugo at tumigas ang matris, madalas pagkalipas ng 48 oras. Mas mabagal tumalab ang pills kaysa iniksyon. Huwag bigyan ng ergometrine ang may altapresyon. | ||
|
||
misoprostol | 800 mcg (micrograms) | tunawin sa bibig, tapos lulunin. Kung hindi makalulon, ipasok sa loob ng puwit (sa tumbong). |
Kung sa bibig padadaanin ang misoprostol, ipatunaw sa babae ang mga tableta sa loob ng pisngi o sa ilalim ng dila, pagkatapos ay lulunin ang matitira. | ||
Mag-guwantes habang pinapasok. Itapon ang guwantes pagkagamit at maghugas ng kamay. | ||
Tingnan ang dagdag na impormasyon sa mga gamot ng pampatigil ng pagdurugo. |
IHATID!
Kung patuloy na nagdurugo ang nanay, dalhin na siya sa health center o ospital. Magsama ng 2 kapamilya niya para magbigay ng dugo kung kinakailangan. Habang wala pa sa health center o ospital, magbantay sa palatandaan ng shock o pagbagsak ng presyon ng dugo. Tingnan ang "Kumplikasyon ng pagpapalaglag" para sa mga palatandaan ng shock at kung paano ito lunasan.