Hesperian Health Guides
Prenatal na pangangalaga
HealthWiki > Kapag Walang Doktor ang Kababaihan > Kabanata 6: Pagbubuntis at panganganak > Prenatal na pangangalaga
Kung buntis ka, sikaping makakuha ng di-bababa sa 3 check-up:
- Pagkatantya mo na buntis ka.
- Sa bandang ika-6 na buwan ng pagbubuntis.
- Isang buwan bago sa takdang panganganak.
Makakatulong ang mga prenatal check-up sa iyo na magdesisyon kung saan pinakamaigeng manganak: sa bahay, sa health center o sa ospital.
Tatanungin ka ng komadrona, tagapaanak o health worker tungkol sa nakaraang pagbubuntis at panganganak, pati anumang problema noon tulad ng malubhang pagdurugo o sanggol na namatay. Makakatulong ito para maghanda kayo pareho sa posibleng pag-ulit ng problema. Magagawa rin ng komadrona na:
- tiyaking sapat at tama ang kinakain ng babae, at magpayo ng paraan para sa mas masustansyang pagkain, kung kinakailangan.
- magbigay ng tabletang iron at folic acid para makaiwas sa anemia at depekto sa dinadala.
- i-check-up ang babae, para matiyak na malusog siya at mahusay ang paglaki ng kanyang dinadala.
- magbakuna laban sa tetano, isang sakit na makakapatay sa nanay at sanggol.
- magbigay ng anti-malaria na gamot kung laganap ito sa lugar.
- magbigay ng test para sa HIV, syphilis at ibang impeksyon na naihahawa sa pagtatalik.
- magbigay ng mga gamot para maiwasan ang pagkalat ng HIV mula sa babae papunta sa kanyang sanggol.
fetoscope |
Para malaman kung malusog ang dinadala, puwedeng pakinggan ng komadrona ang tibok ng puso ng sanggol. Posibleng madinig ito sa pagdikit ng tenga sa tiyan ng babae, pero madalas ay hindi mapagiba ang tibok ng puso ng nanay at sanggol. Mas madali kung may fetoscope. Palatandaan din na malusog kung nararamdaman ng babae ang paggalaw araw-araw, at kung gumalaw ito sa araw ng check-up.