Hesperian Health Guides

Panganganak

Sa kabanatang ito:

Palatandaan na malapit na ang pag-labor

Palatandaan ito na nagsimula o malapit nang magsimula ang labor. Puwedeng hindi ito mangyari lahat, at magkaiba ang pagkakasunod.

  1. Paglabas ng malinaw o kulay rosas na mucus (malasipon) mula sa puwerta. Habang buntis, barado ng makapal na mucus ang bukana ng matris (cervix). Proteksyon ito ng sanggol at matris sa impeksyon. Sa pagbuka ng cervix, nailalabas ang bara kasama ang kaunting dugo.
  2. Paglabas ng malinaw na tubig mula sa puwerta. Maaaring mabasag ang panubigan bago magsimula ang pag-labor, o anumang sandali habang nagle-labor.
  3. Simula ng paghilab (contraction). Sa umpisa, maaaring 10–20 minuto o higit pa ang pagitan nito. Hindi nagsisimula ang totoong pag-labor hangga’t hindi nagiging regular ang paghilab (halos parepareho ang pagitan ng bawat isa).


Kapag nariyan na alinman sa 3 ito, panahon nang maghanda sa panganganak. Eto ang puwede mong gawin:

  • Ipaalam sa iyong komadrona na nagsisimula na ang pag-labor.
babaeng nagsasalita habang may buntis na babaeng nakahiga sa kama at may lalaking nakaupo nang malapit
Sasabihan ko na si Ma’am Rosa na nagsimula na ang mga paghilab.
  • Siguraduhing handa ang mga kagamitan sa panganganak.
  • Hugasan ang sarili, laluna sa ari.
  • Patuloy na kumain nang paunti-unti at uminom tuwing nauuhaw.
  • Magpahinga hangga’t kaya.

Ang tatlong yugto ng labor

May talong yugto ang lahat ng panganganak

Unang yugto. Nag-uumpisa ito kapag sinimulang buksan ng mga paghilab ang cervix, at nagtatapos kapag lubos na ang pagbukas. Sa unang panganganak, madalas 10-20 oras o higit pa ang tagal. Sa mga susunod na panganganak, mga 7-10 oras na lang. Puwedeng may malaking pagkakaiba sa haba.

Ikalawang yugto Nagsisimula ito sa lubos na pagbukas ng cervix at nagtatapos kapag naisilang na ang sanggol. Karaniwang mas maiksi ito kaysa sa unang yugto, at hindi dapat tumagal ng higit sa 2 oras.

Ikatlong yugto. Nagsisimula ito sa paglabas ng sanggol at nagtatapos sa paglabas ng inunan.


Unang yugto: pagbukas ng bukana ng matris

Para matiyak na maayos ang takbo ng pag-labor, i-check:

  1. Gaano katagal nang humihilab at gaano kadalas ang dating nito? Sa simula, puwede itong dumating tuwing 10 o 20 minuto at tumagal ng isang minuto o mas maikli. Paglipas ng ilang panahon, mas dadalas ang dating nito—mga minsan bawat 2–5 minuto—at mas tatagal ang bawat paghilab—mga isa’t kalahating minuto—hanggang maisilang ang sanggol. Kung humihilab na siya ng minsan sa 10 minuto o mas madalas sa loob ng higit sa 24 oras at hindi pa rin handang lumabas ang sanggol, tingnan ang ‘Masyadong matagal na pag-labor’.
  2. Nabasag na ba ang kanyang panubigan? Kung oo, tanungin kung kailan. Kung lampas na ng isang araw, tingnan ang ‘Nabasag ang panubigan pero hindi nagsimula ang labor matapos ang ilang oras’. Kung kulay berde o tsokolate ang tubig, tingnan ang ‘Kulay berde o tsokolate na tubig’.
  3. Nasa ibaba ba ang ulo ng sanggol? Kapain ang tiyan ng babae. Kung nakapahalang o una ang puwit ng sanggol, dapat mo siyang dalhin sa health center o ospital.
buntis na babaeng naglalakad Makakatulong ang paglalakad na panatilihing bukas ang matris. Mababawasan din nito ang pananakit, at makakatulong magpakalma sa manganganak.
Matutulungan mo rin ang manganganak kung palalakasin mo ang loob niya at hihimukin na:
  • manatiling aktibo.
  • kumain ng kaunting pagkain na madaling tunawin, huwag mabibigat o malangis.
  • uminom ng maraming ng matamis na inumin at maligamgam na tsaa hangga’t gusto
  • umihi nang madalas.
  • huminga nang malalim at mabagal kapag humihilab, at bumalik sa normal kapag lumipas na.
  • huwag umiri hangga’t hindi nakakaramdam ng malakas na pangangailangang umiri.

Ikalawang yugto: Pag-ire para malabas ang sanggol

Palatandaan na panahon na para umire (lubos na ang pagbukas ng cervix):
  • Sa pakiramdam ng babae, kailangang-kailangan niyang umire. Sa iba, parang napapadumi.
  • Habang humihilab, uumbok ang bandang ilalim ng babae, at baka makita mo ang ulo ng sanggol sa bukana ng puwerta. Sa simula, bumabalik papasok ang ulo sa pagitan ng mga paghilab.
Ano ang gagawin:
  • Tuluy-tuloy na samahan ang babae. Ipanatag ang loob niya na maayos ang lagay nila ng kanyang sanggol.
  • Sasabayan ang bawat paghilab ng malakas na udyok na umire. Kung naiire na, sabihan siyang huminga nang malalim at umire na parang dumudumi, pero ubod nang lakas. Sa maraming babae, nakakatulong na umungol o umatungal kasabay ng pag-ire.
  • Tiyakin na tama ang takbo ng lahat para sa paglabas ng sanggol. Kapag higit 2 oras nang umiire ang babae, tingnan ang ‘Masyadong matagal na pag-labor’.

Paglabas ng ulo

Kapag naiiwan ang ulo ng sanggol sa bukana ng puwerta kahit sa pagitan ng paghilab, panahon nang palabasin ito:

hawak ng midwife ang ulo ng sanggol habang iniluluwal ito
  1. Sabihan ang babae na huwag nang masyadong lakasan ang pag-ire, sa halip ay umungol lang o umire nang kaunti.
  2. Hayaan ang ulo na lumabas nang paunti-unti, sa pagitan ng mga paghilab. Makakatulong ito para hindi magkapunit sa ari ang babae.
  3. Kapag nakalabas na ang ulo, punasan ng malinis na tela ang bibig at ilong ng sanggol.
bukana ng puwerta habang nasa loob pa ang ulo ng sanggol

Umire nang malakas
bukana ng puwerta habang nagsisimula nang mailuwal ang ulo ng sanggol

Huwag umire nang malakas
ulo ng sanggol na nakaharap paibaba habang nasa labas ng puwerta

Madalas lumalabas ang ulo na nakapababa ang mukha......
ulo ng sanggol na nakaharap patagilid habang nasa labas ng puwerta

tapos umiikot ang sanggol para makalabas ang balikat.

Paglabas ng balikat

Para matulungang lumabas ang balikat:
  1. Maingat na hawakan ang ulo ng sanggol at giyahan ito patungo sa likod ng babae (palayo sa tiyan). Malilibre nito ang unang balikat para makalabas. Huwag na huwag hilahin o pilipitin ang ulo.
  2. Madali nang lalabas ang ibang bahagi ng sanggol. Maghanda! Hawakan ang sanggol para hindi ito mahulog.

Pangangalaga ng sanggol pagkapanganak

Ang malusog na sanggol ay agad na hihinga, gagalaw ang kamay at paa, at iiyak. Para pangalagaan ang sanggol:

  • Punasan ang bibig at ilong ng malinis na tela. Para tulungang mailabas ang mucus, panatilihing mas mababa ang ulo kaysa sa katawan. Kung maraming mucus o anumang likido, sipsipin ng balbulang goma.
babaeng nasa kama at inilalapat ang sanggol sa kanyang suso
  • Ibigay agad ang sanggol sa nanay. Lagyan sila ng malinis na kumot. Gawin nang maagap para hindi malamigan ang sanggol.
  • Ilapit agad ang sanggol sa suso ng nanay. Kapag dumede siya, kikipot ang matris ng ina at mapapahinto ang pagdurugo. Makakatulong din itong palabasin agad ang inunan.
  • Itali at putulin ang cord kapag namuti na at tumigil sa pagtibok. Para makaiwas sa tetano—isang matinding sakit na pumapatay sa maraming sanggol—putulin nang malapit sa katawan ng sanggol.

Pangangalaga ng mata

Hilahin pababa ang ibabang bahagi ng talukap ng mata at lagyan ng kaunting ointment sa loob. Walang epekto kung sa labas ng mata mailalagay.
Hilahin pababa ang ibabang bahagi ng talukap ng mata at lagyan ng kaunting ointment sa loob. Walang epekto kung sa labas ng mata mailalagay.

Nakakabulag ang gonorrhea (tulo). Dahil di alam ng maraming babae kung may impeksyon sila, lagyan ang bawat mata ng 1% tetracycline, erythromycin, o chloramphenicol na ointment para sa mata nang di lalampas sa 1 oras pagkapanganak.

Ikatlong yugto: paglabas ng inunan

Kapag naibalot na ang sanggol at nailapit sa suso ng nanay, panahon na para sa paglabas ng inunan.

Bantayan ang puwerta para makita kung kailan humaba ang cord. Ibig sabihin nito, humihiwalay na ang inunan mula sa matris. Kapag humaba na ang cord, sabihan ang nanay na umiri at itulak palabas ang inunan. Huwag hilahin ang cord.

pinapaikot ng babae ang kanyang utong sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo
Paikutin sa pagitan ng daliri ang mga utong para makatulong sa pagpa-impis ng matris at pag-ampat ng pagdurugo.

Kung hindi lumabas kaagad ang inunan at wala namang pagdurugo, OK lang na maghintay nang hanggang 1 oras.

Para matulungang lumabas ang inunan:

  • Paupuin ang nanay (nakapanimpuho) at pairihin. Kung hindi na siya makaire, ipasubok na umihip sa isang botelya, humatsing o umubo.
  • Paihiin ang nanay.
  • Pasusuhin ang sanggol, o iparolyo sa pagitan ng daliri ang kanyang utong. Makakatulong ito para umimpis ang matris.
  • Kung wala pa ring tumatalab, iniksyunan siya ng 10 unit ng oxytocin sa kanyang pigi o binti. O bigyan ng 600 microgram ng misoprostol sa bibig.
  • Kung magsimulang duguin ang nanay, tingnan ang "Sobrang pagdurugo".
a woman breastfeeding her baby while another woman examines the placenta
Suriin ang inunan

Kapag lumabas na ang inunan, ilagay ito sa palanggana at tiyakin kung kumpleto ito.

Madalas ay lumalabas nang buo ang inunan, pero minsan ay may naiiwang piraso sa loob. Maaari itong magdulot ng pagdurugo o impeksyon. Para malaman kung nakalabas na lahat, tingnan ang taas at baba ng inunan, at ang mga lamad o balot mula sa panubigan.

Kung dinudugo ang nanay, o mukhang may piraso ng inunan o lamad na nawawala, sundin ang mga direksyon tungkol sa "Sobrang Pagdurugo".

hawak ng kamay na may guwantes ang inunan, patayo ang posisyon at nasa ibaba ang cord Sikaping matiyak na kumpleto ang mga lamad o balot. Dapat ay mukha silang magkasukat, na parang nakapaloob sa sako.
hawak ng dalawang kamay na may guwantes ang inunan na hindi buo
nawawalang
piraso

Nabasag ang panubigan pero hindi pa nag-labor

Magsisimula ang labor ng karamihan sa loob ng 24 oras matapos mabasag ang panubigan. Kung wala pa matapos ang 1 araw at 1 gabi, baka maimpeksyon nang malubha ang babae at sanggol.

Ano ang gagawin:
  • Huwag maglagay ng kahit ano sa loob ng puwerta ng babae. Hindi dapat makipag-seks. Makakapagdulot ito ng impeksyon.

IHATID!

  • Kung magkaroon ng lagnat o mabahong amoy sa puwerta, nagsisimula na ang impeksyon. Antibiotics sa suwero (diretso sa ugat) ang gamot. Kahit mag-umpisa ang pag-labor, puwedeng mamatay ang babae at sanggol. Pumunta sa pinakamalapit na health center o ospital.
botelya ng castor oil at dalawang kutsara
  • Subukang pasimulan ang pag-labor. Painumin siya ng 2 kutsara ng castor oil, paikutin sa daliri ang utong, o ipadede sandali sa iba tuwing ilang oras hanggang sa mag-labor. Baka may tsaa din sa inyong lugar na ginagamit para pasimulan ang labor. Kung wala pa rin matapos ng ilang oras, dalhin na sa health center o ospital.

DELIKADO! Huwag mag-iniksyon para masimulan ang pag-labor. Makakapagbunsod ito ng mga paghilab na napakalakas na maaaring makapatay sa babae o sanggol.

Nakapahalang ang sanggol

a pregnant woman lying in bed while another woman feels for the baby's position in the womb

Kung nagsimula na ang pag-labor at unang lumabas ang kamay ng sanggol, malamang pahalang ang puwesto nito. Alamin ang posisyon ng sanggol. Hindi ito mailalabas na pahalang kung walang operasyon. Huwag subukang baguhin ang posisyon ng sanggol kapag nagsimula na ang pag-labor. Puwedeng mapunit ang matris o humiwalay ang inunan sa dingding ng matris.

Ano ang gagawin:
  • Dalhin ang babae sa ospital.

Pagdurugo bago ipanganak ang sanggol

IHATID!

Normal ang paglabas ng kaunting malinaw at kulay rosas na likido, o mucus at kulay tsokolateng dugo habang nagle-labor. Pero kapag matingkad na pulang dugo ang lumabas, baka humihiwalay na ang inunan sa matris, o nakaharang ito sa cervix. Napakadelikado nito.

Ano ang gagawin:
  • Isugod sa ospital. Kung kakayanin, magkabit ng suwero at bigyan na siya ng IV fluid.


buntis na babaeng nasa upuan at mukhang masama ang pakiramdam

IHATID!

Masyadong matagal na pag-labor

Kung malakas na ang pag-labor nang higit sa 12 oras, o higit sa 2 oras nang umiire at wala pa ring palatandaan na malapit nang lumabas ang sanggol, baka may problema na.

Ano ang gagawin:

Kung hindi humihilab tuwing 2 o 3 minuto na isang buong minuto ang tagal, baka wala pa siya sa tamang paglabor. Hikayatin siyang matulog. Kung hindi makatulog, payuhan na hipu-hipuin ang utong at maglakad sa pagitan ng paghilab para lumakas ang pag-labor. Hikayating uminom at kumain nang kaunti. Makakabigay ng lakas ang katas ng prutas o tsaa na may asukal.

Kung lampas 12 oras nang naglelabor ang nanay, o umiire’t tumutulak nang lampas 1 oras, dalhin na siya sa health center o ospital. Maaaring kailangan niya ng gamot para tulungan siyang maglabor, o operasyon para maisilang ang sanggol.

Kulay berde o tsokolateng tubig

Posibleng hirap na ang sanggol kung may lalabas na kulay berde o tsokolateng tubig.

Ano ang gagawin:

IHATID!

Kung nasa maagang bahagi pa ng pag-labor at hindi pa umiire ang babae, pinakamahusay na sa ospital manganak.

dalawang nakaguwantes na kamay, hawak ng isa ang ulo ng sanggol at nagpapasok ang isa ng panghigop na balbula sa bibig ng sanggol

Kung nasa ika-2 yugto ng labor at malapit nang lumabas ang sanggol, pairehin ang nanay nang ubos lakas at palabasin agad ang sanggol. Paglabas ng ulo, agad punasan ang bibig at ilong ng malinis na tela, o sipsipin ng balbulang goma ang anumang mucus. Panatilihing mababa ang ulo kaysa katawan para makatulong sa paglabas ng mucus. Kung may problema sa paghinga ang sanggol, dalhin siya sa ospital.

Lagnat

Madalas, palatandaan ng impeksyon ang lagnat.

Ano ang gagawin:

Kung may sinat (mainit nang kaunti) ang babae, baka kailangan niya lang ng dagdag na maiinom.

Idampi ang likod ng kamay mo sa noo ng babae at ang kabilang kamay sa sariling noo. (Nasa "Pagsukat sa temperatura, pulso, paghinga at presyon ng dugo" ang pagsukat ng temperatura gamit ang thermometer, kung meron ka nito.) Kung mas mainit siya nang kaunti lang kaysa sa iyo, baka kailangan lang siyang painumin. Bigyan siya ng maraming tubig, tsaa, juice o soft drinks. Ipaalala na umihi siya tuwing ilang oras.

IHATID!

Kung napakainit niya sa pagdampi at nangangatog, dalhin na sa health center o ospital. Kailangan niya agad ng antibiotics. Painumin ng ampicillin, 500 mg tuwing 6 na oras, o iniksyunan ng 1.2 million Units ng procaine penicillin sa kanyang puwit o hita tuwing 12 oras hanggang sa madala ninyo siya sa ospital.

Kombulsyon o pangingisay kasabay ng eclampsia

Kung magsimulang magkombulsyon ang babae:

IHATID!

buntis na babaeng nakahiga sa sahig at nangingisay, na may tela sa ilalim ng ulo
  • Sapinan ang ilalim ng ulo para protektahan ito. Kung kaya, pahigain sa kaliwang panig. Huwag puwersahang pigilan ang pangingisay.
  • Panatilihing medyo malamig.
  • Kumuha ng sasakyan para madala kaagad sa ospital.

mga palatandaan ng panganib habang nagbubuntis pre-eclampsia

Kung kaya, magbigay ng isa sa sumusunod na gamot:

  • magnesium sulfate, 50% solution. Mag-iniksyon ng 5 g sa bawat kalamnan ng puwit. Ulitin matapos ang 4 na oras kung kailangan
  • diazepam

(Para sa dagdag na impormasyon sa mga gamot, tingnan ang mga “Berdeng Pahina).

Huling binago ang pahinang ito: 11 Set 2017